HINDI pa man nakakabangon ang mga pamilyang apektado sa pagbaha, muling lumubog ang malaking bahagi ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal sa pananalasa ng bagyong neneng na sinabayan pa ng mabigat na buhos ng ulan dahil sa epekto ng hanging habagat. Batay sa inisyal na ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kabilang sa muling binaha ang Quezon City, Valenzuela, Caloocan, Mandaluyong, Maynila at ilang bahagi ng Las Piñas, Pasay, Makati, Taguig, Pateros at Pasig. Sa mga naturang lungsod, pinakamalalim ang baha sa Camanava area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela). Sa kahabaan ng MacArthur Highway sa lungsod ng Valenzuela, umabot sa 14 pulgada ang lalim ng baha. Gutter-deep naman ang baha sa panulukan ng Quezon Avenue at D. Tuazon, gayundin sa kanto ng Quezon Avenue at Biak-na-Bato. Sa Quezon City, umabot sa 13 pulgada ang tubig sa north at southbound lanes ng Araneta Avenue malapit sa Talayan. Sa Valenzuela City, umabot sa 13 hanggang 14 pulgada ang baha sa MacArthur Highway sa harap ng Toyota/Goodyear, na hindi rin passable sa light vehicles. Bagamat binaha, mabilis naman ang paghupa ng tubig sa Avenida Rizal sa bahagi ng Caloocan City. Nakapagtala naman ng walong pulgadang baha sa C3–NLEX Connector intersection. Nasa walong pulgada naman ang lalim ng tubig-baha sa kanto ng Boni Avenue at F. Ortigas sa Mandaluyong City. Sa Maynila, nakapagtala ng tig-walong pulgadang baha sa Tayuman corner Abad Santos, Bambang corner Avenida at España–Dela Fuente westbound. Passable pa rin sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga naturang lugar. Umabot sa 10 pulgada ang baha sa Gov. Pascual Avenue sa Sitio 6, M.H. Del Pilar Street sa Barangay Maysilo, M.H. Del Pilar Street (Tatawid) sa Barangay Santulan, at Don Basilio Bautista sa Barangay Hulong Duhat sa lungsod ng Malabon. Sa silangang bahagi ng Metro Manila, lubog pa rin ang ilang lugar sa Cainta, Taytay, Antipolo, San Mateo at Montalban. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Dagdag-asunto kasado kontra Ramil Madriaga