NAGBABALA ang isang dalubhasa sa di umano’y nakaambang banta ng nakamamatay na leptospirosis bunsod ng pagbahang dulot ng patuloy na buhos ng ulan sa Maynila.
Babala ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante sa mga residente ng Maynila, iwasan ang paglusong at pagtatampisaw sa baha kung saan aniya posibleng humalo ang mikrobyo maaaring maging sanhi ng karamdaman.
Kabilang sa mga lugar na tinukoy ni Solante ang Baseco Compound sa Tondo, Maynila kung saan aniya matagal humupa ang baha kung saan aniya inaanod ang mga nakatambak na basura.
Sa datos ng pamahalaang lungsod, nasa humigit kumulang 200 pamilya ang inilikas dahil sa pagbaha.
Bukod sa Baseco, binaha rin ang kahabaan ng Taft Avenue kung saan namataan ang paglusong sa baha ng mga na-istranded na pasahero.
“Yung mga lumalangoy tapos yung exposed ang bibig, yung exposed ang mata, they’re also at higher risk for exposure to leptospirosis… That can also be an area where the microorganism can enter our body,” ani Solante sa isang panayam sa telebisyon.
Payo ni Solante sa publiko, agad na linisin ang katawan pagkatapos ng paglusong sa baha. Sa mga kinakitaan ng mga sintomas ng leptospirosis tulad ng lagnat, sakit ng ulo at katawan, pamamaga ng nababad na bahagi ng katawan at pamumula ng mata, hinikayat niya ang agarang pagpapakonsulta sa doktor.
“Meron tayong tinatawag na prophylaxis — antibiotic prophylaxis, for those na na-expose sa baha. Dapat within 24 to 48 hours, pumunta sa municipal health center nila para kumuha ng gamot,” ani Solante.