
ASAHAN ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga gulay sa mga pamilihan sa National Capital Region. Ang dahilan – hindi makatawid ang mga ani ng magsasaka patungo sa kabisera.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), nananatiling sarado sa trapiko ang 19 na road sections sa tatlong rehiyon sa hilagang bahagi ng bansa bunsod ng kabi-kabilang pinsalang iniwan ng bagyong Egay.
Sa datos ng DPWH, 10 road sections ang sarado sa Cordillera Administrative Region (CAR), apat sa Region I, at lima naman sa Region III bunsod ng mga pagbaha, pagguho ng lupa, nakahambalang ng puno, nasirang tulay, at mga malaking bitak sa kalsada.
Kabilang sa mga saradong daan sa CAR ay Abra-Ilocos Norte Road, Abra-Kalinga Road, Apayao-Ilocos Norte Road, Claveria-Calanasan-Kabugao Road, Gov. Bado Dangwa National Road, Banaue-Hunduan-Benguet Boundary Road, Kalinga-Abra Road, Baguio-Bontoc Road, at Sagada-Besao-Quirino-Ilocos Sur Road.
Sa Region 1, sarado ang ilang bahagi ng mga kalsada ng Ilocos Norte Apayao Road, Vigan-Sta. Catalina Road-Pantay-Daya Bridge, Quirino-Pandan Bridge, at Cervantes-Aluling-Bontoc Road.
Sa Region III, ang mga bahagi ng kalsadang sarado ay sa Candaba-San Miguel Road, Baliwag-Candaba-Sta. Ana Road, Apalit-Macabebe-Masantol Road, Bahay Pare-San Luis-Sto. Domingo Rd., at Olongapo-Bugallon, Yamot Bridge.