PUMALO sa halos kalahating bilyon ang naubos na pondo ng Office of the Solicitor General sa nakalipas na 16 taon – pondong sobra pa kung nagpagawa na lang ng sariling gusali ang ahensya, ayon sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA).
Partikular na tinukoy ng COA sa 2023 audit report ang hindi makatarungang gastos ng ahensya para sa renta at pagkukumpuni ng dalawang opisina sa lungsod ng Makati.
Batay sa datos ng COA, umabot na sa P488 milyon ang nagastos ng OSG sa ilalim ng pangangasiwa ng pitong Solicitor Generals.
Sa pagsusuri ng COA, may tatlong opisina ang OSG sa Amorsolo Street sa Makati City – isang nagsisilbing punong tanggapan, habang inuupahan naman ang dalawang iba pa sa Montepino at APMC Bldg.
Ayon kay COA chief Gamaliel Cordoba, mas angkop sana kung ginamit na lang ang P488 milyon para bumili ng lupa at tayuan ng sariling gusali – “Such enormous amount could have been earmarked and used for other needed capitalization.”
“Renting is a short-term solution with no long-term gains in terms of allocating scarce resources,” saad sa isang bahagi ng COA audit report.
“The new office will be more beneficial and economical to the agency than leasing or renting an office space,” dagdag pa ng COA.
