
Ni EDWIN MORENO
TATLONG magkakasunod na insidente ng panghoholdap sa mga restaurant na bukas tuwing gabi ang naganap sa Rizal, Bulacan at Metro Manila.
Unang pinasok ng mga armadong kawatan ang isang kainan sa kahabaan ng Marilaque Highway sa bayan ng Baras kung saan nilimas ang pera at pag-aari ng restaurant at maging ng mga customer noong Agosto 22.
Bukod sa pagnanakaw, dalawang customer ang duguan matapos hinampas ng baril sa ulo.
Kwento ng tatlo sa mga biktima, nagawa pa nilang habulin ang suspek hanggang sa Masinag sa Antipolo City kung saan nakakita sila ng pulis na hiningan ng tulong para tugusin.
“Paglagpas ng SM Masinag sa may stoplight, meron doong pulis na nakatambay, dalawa na nakamotor… Nagpahingi po ng tulong yung kaibigan ko na naholdap kami, may tatlong motor na humahabol. Tapos sabi lang po ng pulis ‘Ay ‘yung tatlong motor na mabilis?’ ‘Opo sir.’ Hindi raw po nila sakop ‘yung area kaya hindi kami tinulungan,” sabi ng isa sa mga biktima.
Matapos ang panghoholdap sa Baras, Rizal, isang kainan naman sa Angat, Bulacan, hinoldap ng mga armadong lalaki.
Tulad ng nangyari sa Baras, pawang nakahelmet din umano ang mga lalaking armado ng baril na itinutok sa mga customer ng restaurant sa Barangay Sulucan sa Angat noong Biyernes ng madaling araw.
Ilan sa mga biktima ang pinalo rin nila ng baril sa ulo, kinuha ang kanilang mga gamit, gaya ng cellphone. Ang isa sa mga salarin, nilimas ang P7,000 na pera sa kaha ng kainan at kinuha rin ang dalawang cellphone ng crew.
Ilan sandali pa, tumakas na ang mga suspek sakay ng motorsiklo ng mga biktima.
Naganap ang ikatlong insidente sa isa pang restaurant sa kahabaan ng Congressional Avenue sa Quezon City kung saan nilimas ng mga armadong holdaper na nakahelmet ang pera at mga cellphone ng may-ari, mga tauhan at kostumer ng Chikten Wings.
Sa report ng Project 6 Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas 10:39 kagabi nang mangyari ang insidente
Batay sa imbestigasyon, abala ang mga staff ng nasabing restaurant sa pag-asiste sa kanilang mga kostumer nang biglang pumasok ang dalawa sa apat na suspek na armado ng mga baril at nagdeklara ng holdap.
Agad na nilimas ng mga suspek ang P60,700 halaga ng mga cellphone at P10, 000 cash ng mga biktima at kostumer, Samsung Tablet na nagkakahalaga ng P10,000 maging ang cashier box na naglalaman ng P22,000.
Matapos makuha ang pakay, agad na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.