
SA halip na kwarta, malamig na rehas ng mabahong selda ang hinihimas ngayon ng anim na kataong nag-alok ng “sure win” sa isang kandidato kapalit ang P30 milyon.
Sa kalatas ng Department of Justice (DOJ), dinakip ang anim na hindi pinangalanang suspek sa isang entrapment operation na ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City.
Sa impormasyong ibinahagi ng NBI, tumataginting na P30 milyon umano ang hinihinging kapalit ng mga suspek sa isang kandidato sa posisyon ng mayor. Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye ang NBI sa pagkakakilanlan ng kandidatong nagsuplong sa Commission on Elections (Comelec).
Kwento ng nagreklamong kandidato, nagpakilalang konektado ang mga suspek sa Comelec.
Bagamat diskumpyado, nagkunwari umano ang kandidato na sang-ayon sa plano, at pumayag makipagkita sa mga suspek sa isang hotel sa Quezon City para ibigay ang paunang bayad.
Lingid sa kaalaman ng grupo na nagsumbong na pala sa otoridad ang politiko.
Kasong Estafa, Usurpation of Authority, at paglabag sa Section 28 ng Automated Election System Law ang inihain laban sa mga suspek. (LILY REYES)