
HINATULAN ng Las Piñas Regional Trial Court ng hanggang walong taong pagkakabilanggo ang isang inmate sa New Bilibid Prison (NBP) na sangkot sa pagpaslang kay radio broadcaster Percy Lapid.
Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na guilty si Denver Mayores, isang person deprived of liberty (PDL), kakutsaba sa pagpatay kay Lapid.
“Las Piñas Regional Trial Court Judge Harold Huliganga pronounced the sentence, acknowledging Mayores’ conspiracy with former Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag and DSO (Directorate for Security and Operations) Ricardo Zulueta in the murder of Lapid,” ayon sa kalatas ng DOJ.
Kilalang aide ni Bantag si Mayores. Patuloy na pinaghahanap si Bantag matapos itong magtago nang ingusong mastermind sa Lapid murder.
Sinabi ng awtoridad na mayroong matibay na nagsasangkot kina Bantag at Zulueta kay Mayores gayundin kina PDL Alvin Labra. Si Labra naman ang nakipagkoordinasyon kay Aldrin Galicia.
Si Galicia umano ang nagplano kung paano ang gagawing pagpaslang.
Dito na rin pumasok ang partisipasyon ng gunman na si Joel Escorial at mga tauhan.
Noong Hunyo, umamin sa kasalanan sa Las Piñas court sina Labra at Galicia upang maibaba ang kanilang hatol.
Samantala, humiling naman si Escorial na maibaba ang sentensiya at mailipat sa Abuyog prison sa Leyte bago mag-Pebrero 2024.
“DOJ prosecutors are currently evaluating the potential impact of reducing Escorial’s charges from murder to homicide,” ayon pa sa korte.
Si Lapid, mahigpit na kritiko ni dating pangulong Rodrigo Duterte ay itinumba noong Oktubre 3, 2022 ng tandem sa Las Piñas.
Makailang ulit na ring itinanggi ni Bantag na sangkot siya sa pagpaslang kay Lapid.