PATAY ang piloto ng nawawalang Piper PA-32-300 plane na bumagsak sa Isabel province ngunit posible umanong buhay ang nag-iisang pasahero nito, ayon sa lokal na pamahalan ngayong Huwebes.
Sinabi ng Incident Management Team (IMT) ng Isabela na natagpuan na ng mga rescuer ang labi ng eroplano dakong alas-11 ng tanghali.
Natagpuan ang wala nang buhay na piloto sa loob ng eroplano ngunit wala ang pasahero.
“Sadly, the pilot was found lifeless,” ayon sa IMT report.
Walang bakas ng pasaherong babae ang natagpuan sa crash site. Posible umanong buhay ito dahil sa isang ginawang silungan malapit sa bumagsak na eroplano.
Magbabagsak ng K9 trackers sa lugar para hanapin ang pasahero.
Sakaling gumanda umano ang panahon, ibababa na ang bangkay ng piloto sa Cauayan City sa Biyernes.
Nauna nang iniulat ang pagkawala ng light plane RP-C1234 noong nakaraang Huwebes matapos umalis ng Cauayan Airport. Natagpuan naman ang bumagsak na eroplano noong Martes.
Napipigilan ang search and rescue dahil sa masamang lagay ng panahon sa lugar.