INIULAT ng Philippine Statistics Authority ang pagbaba sa 2.09 milyon ang bilang ng mga Filipino na walang trabaho o hanapbuhay noong Oktubre.
Ang National Capital Region (NCR) naman ang nakapagtala ng pinakamataas na unemployment rate na 5.4 porsiyento noong Oktubre 2023 habang ang Davao Region ang pinakamababang unemployement rate na 2.9 porsiyento.
Sa press conference nitong Huwebes, Disyembre 7, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang bilang ng unemployed persons edad 15 pataas ay bumaba sa 2.09 milyon mula sa 2.26 milyon noong Setyembre.
Sa year-on-year, ang bilang ng jobless individuals noong Oktubre 2023 ay mas mababa kumpara sa 2.24 milyon na naitala noong Oktubre 2022.
Sa percentage ng kabuuang 49.89 milyong katao sa labor force na naghahanap pa rin ng trabaho, ang unemployment rate ay nasa 4.2%.
Nangangahulugan ito na 42 sa 1,000 indibidwal sa labor force ang walang trabaho o hanapbuhay noong Oktubre 2023.
Ang unemployment rate noong Oktubre ay mas mababa sa 4.5% joblessness rate noong Setyembre at 4.5% rate Oktubre noong nakaraang taon.