BARA-BARANG pagdakip ng mga maling tao ang nakikitang dahilan ng Department of Justice (DOJ) sa pagsisikip ng mga kulungan at patuloy na pagtaas ng kriminalidad.
Sa talumpati ni Justice Secretary Crispin Remulla kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), kinastigo ang mali-maling pagdakip ng mga suspek para lang maisara ang kaso.
Apela ni Remulla, tuldukan ang nakagawiang pagdakip ng mga tinaguriang “fallguys” para lang ma-promote ng ranggo.
“We should not accost people just so we can claim an accomplishment. Hopefully, the arrests we make will really help in curbing crime and criminality in society,” saad sa isang bahagi ng mensaheng kalakip ng binigkas na talumpati.
Sa datos ng Kalihim, lumalabas na nakapagtala ang Department of Justice (DOJ) ng hindi bababa sa 200,000 presong dinakip at piniit sa mga kasong napag-alamang magkakapareho ang kwento.
“I hope that this will not continue in the future,” aniya pa.
Para sa DOJ chief, hindi dapat gamiting batayan sa promotion ng ranggo ang dami ng mga inaresto. Sa halip, iginiit ng opisyal na gawing panuntunan ang dami ng mga nahatulang inaresto.
Iminungkahi rin niya ang kahalagahan ng sapat at matibay na ebidensya lalo na sa mga malalaking sindikato ng droga.
“When we monitor illegal activity, let’s begin with the big fish and not waste effort on small fry in the streets.”