NAIS muli nating talakayin ang mga pang-araw-araw na pinagdadaanang kalbaryo ng ating mga motorista.
Sino ba namang hindi kakabahan kung hawak mo ang manibela at wala kang kamalay malay eh kamoteng nagkatawang tao pala ang kasabay mo sa kalsada. Ingat na ingat ka sa buhay mo habang ang ilan naman ay iresponsable sa pagmamaneho.
Sa tala ng World Health Organization (WHO) noong 2018, may 12,000 Filipino ang namamatay sa aksidente sa kalsada kada taon.
Sa Metro Manila pa lang, libo-libo ang sangkot sa car accidents at ang katunayan, ang mahigit sa 60,000 aksidente sa lansangan noong 2007 ay dumoble pa ang bilang at umabot sa 163 libong aksidente noong 2018.
Nakakapagtaka naman na kahit may mga batas nang umiiral, na ang layunin naman ay para pangalagaan ang mga biyahero at mabawasan ang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga driver, kapansin pa rin ang mataas na bilang ng mga aksidente!
Sabi ng MMDA, noong 2021 mahigit 58 libo pa rin ang naitalang mga banggaan ng sasakyan at ang pinakamarami sa mga aksidenteng ito ay nangyari sa Quezon City.
Hmmmmn….
Lumilitaw na ang ilan sa mga pangunahing dahilan ng mga aksidente sa lansangan dito sa ating bansa ay ang:
Over speeding, pagmamaneho nang naka-inom ng alak, bad overtaking, hindi sapat ang kaalaman sa paggamit ng signal light at jaywalking.
Lahat ng ito ay paglabag sa batas-trapiko at may kaakibat na parusa. Ang tanong, kamusta ang lagay sa pagpapatupad ng batas? Takot pa ba ang mga motorista sa mga parusa sa bawat paglabag?
Hmmmmn…baka naman ang simula ng problema ay sa pagkuha pa lang lisensiya. Kumpleto ang requirements pero wala naman pala talagang alam sa manibela at sa kaakibat nitong batas…posible ba yon?
Hindi natin alam kung saan at kailan mangyayari ang aksidente sa kalsada. Pero ang sigurado tayo, na ang pagdami ng mga kamoteng driver sa lansangan ay kagagawan din ng ilang tiwali sa gobyerno.
Kayong mga kalawang ng gobyerno ang nagtanim ng mga kamoteng driver kaya umaani tayo ngayon ng sangkatutak na aksidente at peligro sa lansangan.
Idagdag pa ang mga nakahambalang na proyekto sa mga kalsada na tila hindi matapos-tapos kaya nagdudulot din ng mga aksidente.
Mapanganib talaga sa kalye, pero lalo pang magiging mapanganib kung panonoorin lang natin ang mga kaganapan.
May programa, may proseso, may mga batas, lahat ay para sa ikabubuti. Sapat at maayos na serbisyo-publiko lang ang naghihintay.
