SA hangaring tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan, nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na sumagupa sa peligro sa sandaling yanigin ng malakas na lindol ang National Capital Region.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief brig. Gen. Randulf Tuaño, mas paigtingin pa ng pambansang pulisya ang pagsasanay sa Special Rescue at Recovery Training ng kanilang mga personnel bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng Big One sa Metro Manila.
Paglilinaw ng opisyal, hindi limitado sa Metro Manila ang inisyatibang naglalayon ihanda ang mga tauhan ng PNP Support Service at mga regional offices sa pagtugon sa mga sakuna.
Kaugnay nito, tiniyak din ng PNP na may quadrant system sa loob ng Camp Crame upang maging maayos ang galaw ng mga tauhan sakaling magkaroon ng emergency.
Kasabay ng pagsasanay, binibigyang-diin din ang pagbibigay ng Emergency Go Bags sa mga pulis na naglalaman ng mahahalagang gamit tulad ng pagkain, pito at medical kit.
Bukod dito, ininspeksyon na rin ng Directorate for Logistics ang mga kagamitan ng PNP gaya ng rubber boats at iba pang rescue equipment, pati na ang audit ng satellite phones na gagamitin bilang pangunahing komunikasyon sakaling mawalan ng signal o kuryente. (EDWIN MORENO)
