Ni ESTONG REYES
MATAPOS salakayin at dakpin ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 37 Chinese nationals bunsod ng reklamo ng mga residente, target ng Senado imbestigahan ang pagdagsa ng mga dayuhan sa Multinational Village sa lungsod ng Parañaque.
Sa isang resolusyon, target ni Senador Raffy Tulfo alamin ang pakay sa Pilipinas ng mga arestadong Chinese nationals na dinampot ng Bureau of Immigration.
Para kay Tulfo, masyadong mababaw ang dahilan kung pagtitinda lang ang basehan para isagawa ang operasyon sa isa sa pinakamalaking residential subdivision sa Metro Manila.
Paniwala ng senador, posibleng pugad na rin ng POGO ang Multinational Village na dinagsa ng mga Chinese nationals mula pa noong 2019, base sa sumbong ng mga residente.
Sa ulat ni Immigration intelligence division Chief Fortunato Manahan, kabilang sa mga dinakip ang pitong babae at 30 lalaking pawang Chinese nationals.
Kasalukuyang nakapiit ang mga dayuhang Tsino sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
“Kamakailan ay sunod-sunod ang mga natanggap kong reklamo mula sa mga homeowner ng Multinational Village sa Parañaque City tungkol sa pagsakop ng mga Chinese national sa kanilang lugar. Nagmistulang Chinese territory na raw ang kanilang subdivision,” wika ng senador.
“May duda rin ang mga residente na maaaring may mga POGO na nag-ooperate sa village,” dugtong ni Tulfo.
Panawagan niya sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force, National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration, imbestigahan ang estado ng mga arestadong Chinese nationals at laliman ang imbestigasyon sa posibilidad na tama ang hinala ng mga residente – na sentro na ng POGO ang Multinational Village.
