
NAKATAKDANG dumulog sa Korte Suprema si Senador Ronald dela Rosa sa hangaring linawin kung may hurisdiksyon pa rin ang International Criminal Court (ICC) sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 2018.
Partikular na hirit ni dela Rosa sa Korte Suprema pigilan ang napipintong paglabas ng warrant of arrest kaugnay ng kasong crime against humanity na inihain sa ICC ng mga naulilang pamilya ng libo-libong biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa nakalipas na administrasyon.
“I have to seek judicial relief. We have to go to the Supreme Court,” wika ng senador na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya sa unang bahagi ng termino ni former President Rodrigo Duterte.
Ayon kay dela Rosa, maluwag sa kalooban niyang tatanggapin anuman ang desisyon ng Korte Suprema, kasabay ng panawagan sa administrasyong Marcos na igalang din ang kataas-taasang hukuman sakaling pumabor sa kanya ang mga mahistrado.
“We have to observe that. Otherwise, wala nang mangyayari sa ating bansa. Kung anong gusto nila ang masusunod,” giit pa niya.
Nanindigan rin ang senador na hindi siya takot sa ICC.
“I am not afraid for myself. I have been to many wars already ang dami ko ng dinaanan giyera hindi ako takot mamatay,” ani Dela Rosa. “Takot lang ako para sa mga apo ko na hindi nila ako makita.”
Kabilang si dela Rosa sa mga iniimbestigahan ng ICC sa madugong giyera kontra droga sa panahon ni Duterte.