WALANG puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga brusko at dorobo, ayon sa hepe ng lokal na pulisya sa lungsod ng Taguig.
Bilang patunay, sinampolan ni Police Colonel Joey Goforth na tumatayong hepe ng Taguig Police Station ang 10 kabaro kaugnay ng viral video ng aktwal na pagsalakay sa tahanan ng isang ginang sa Tipas.
Ang kastigo – sibak sa pwesto, pati ang hepe ng Tipas Police Sub-Station kung saan nakatalaga ang mga naka-sibilyang operatibang umano’y magsisilbi ng warrant of arrest sa may-ari ng sinalakay na tahanan.
Gayunpaman, nilinaw ni Goforth na ilegal ang operasyon, kasabay ng giit na walang warrant of arrest na inilabas ang husgado laban sa hindi pinangalanang ginang.
“Bale base po sa imbestigasyon po natin at personal ko rin pong nakausap yung biktima, lumalabas po na wala pong warrant o walang authority yung mga pulis na pumasok sa bahay nila,” ayon kay Goforth.
Bagamat totoong nakasuhan ang biktima kaugnay ng droga, nilinaw ng hepe ng lokal na pulisya na pinawalang-sala ng husgado ang noo’y akusado.
Malinaw rin aniyang may intensyon gumawa ng pera sa paraan ng extortion ang mga sinibak na pulis. Hulicam rin ang aktwal na pananakit ng mga pulis sa menor de edad.
Samantala, kinatigan naman ng Southern Police District (SPD) ang desisyon ni Goforth na sibakin ang mga pulis sa anila’y “pera-paraang operasyon.”
Ayon kay Police Major Hazel Asilo na tumatayong tagapagsalita ng SPD, may mga paglabag na ginawa ang mga pulis sa pagsisilbi ng warrant.
“Unang-una po may violation na po agad yung ating mga nagserve ng warrant kasi dapat po, nagpakilala sila kung sino sila at saka po dapat naka-uniform po sila pag sine-serve, ini-implement natin ‘yung search warrant. Nakita natin na nagkaroon ng abuse doon sa kanilang pagseserve,” ani Asilo.
