SA gitna ng kabi-kabilang taas presyo sa halos lahat ng bilihin sa merkado, bahagyang nakahinga ang mga mag-aaral at manggagawa sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) — walang dagdag-pasahe ngayong taon.
Gayunpaman, nilinaw ni MRT-3 General Manager Oscar Bongon na posibleng sa susunod na taon — kung hindi man sa 2027 pa hihirit ng dagdag-pasahe ang MRT-3.
“Sa ngayon po walang petisyon ang MRT-3 for fare hike at wala naman pong obligasyon to do that kagaya po ng mayroong private concessionaire na nasa kontrata nila that periodically they have to adjust. Pero po sa MRT-3, wala pong ganoon kasi tayo po ang nag-operate,” paliwanag ni Bongon.
Una nang naghain ng petisyon ang pangasiwaan ng Light Rail Transit Line-1 (LRT-1) para sa dagdag-singil sa pamasahe ng mga commuters na biyaheng Baclaran hanggang Monumento via Taft-Rizal Avenue.
Nakabinbin pa ang desisyon ng Rail Regulatory Unit ng Department of Transportation sa naturang petisyon.
