
Ni LILY REYES
NANANATILING palaisipan sa pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa pagkakakilanlan ng suspek sa brutal na pagpatay sa magpinsang senior citizen na natagpuang naaagnas na sa kanilang bahay sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.
Pag-amin ni Lt. Col. Morgan Aguilar na tumatayong hepe ng Novaliches Police Station 4, bagamat may mga persons of interest na, masyado pang maaga para ituring na mga suspek sa pagpaslang sa magpinsang sina Elpidio Aguillon Agduyeng, 71-anyos, at Imelda Barcase , nasa edad 60-65, sa loob ng kanilang tahanan sa Saint Francis Village, Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City,
“Mga persons of interest pa lang po, hindi pa natin masasabing suspect,” ayon kay Aguilar.
Aniya, walang senyales ng sapilitang pagpasok sa bahay kaya hindi nila inaalis ang pagkakaroon ng foul play dahil may mga palatandaan na sinakal hanggang sa mamatay ang mga biktima.
Sa imbestigasyon ni Cpl Jordan Barbado ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, nakaamoy umano ang mga kapitbahay ng masangsang na amoy na nagmumula sa tahanan ng magpinsang senior.
Dahil dito, nagpasyang puntahan ni Sigfrid Galez Amante, presidente ng Homeowner’s Association, kasama ang mga pulis ang bahay ng magpinsan.
Doon ay nadiskubre ang bangkay ni Barcase sa loob ng cabinet na nasa ilalim ng lababo habang ang pinsan na si Agduyeng ay nakahandusay sa sahig ng banyo.
Dumating ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni Captain Darrel Rey Ebol at sa kanilang pagsusuri ay nasa stage na ng decomposition ang mga bangkay ng biktima.
Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng autopsy upang mabatid kung paano pinaslang ang dalawang matanda.