
Ni ESTONG REYES
KINALAMPAG ni Senador Alan Peter Cayetano sa Commission on Elections (Comelec) para resolbahin ang isyu ng representasyon ng 10 EMBO (Enlisted Men’s Barrios) barangay na ngayon na opisyal nang bahagi ng lungsod ng Taguig.
Inihain ni Cayetano ang Senate Concurrent Resolution No. 23 na nagnanais na tiyaking makaboboto ang lahat ng botante sa 10 barangay sa EMBO ng kanilang kinatawan sa Kongreso sa 2025 election.
“There are struggles that they need the help of Congress, which is to be able to run for Congress and to be able to vote for a member of Congress. We should not take out their right to have a representative and to vote for a representative,” wika ni Cayetano nitong September 24, 2024.
Naging bahagi ng Taguig ang mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside, at Southside matapos ang pinal na desisyon ng Korte Suprema noong 2023.
Bagama’t kinilala ng Korte Suprema ang mga naturang barangay bilang bahagi ng Taguig, hindi naman tinukoy ang distrito ang nakaksakop.
Maaari silang bumoto ng lokal na opisyal tulad ng mayor, vice mayor, at konsehal, pero hindi makaboboto ng kinatawan sa Kongreso maliban na lamang kung may batas na maipapasa bago mag-2025 election.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Cayetano na ang resolusyon ay para bigyan ng gabay ang Comelec at siguraduhing maririnig ang mga hinaing ng botante ng EMBO.
“We seek with this concurrent resolution to make our will known to the Comelec,” aniya.
Bilang isang concurrent resolution, maari itong ipasa ng Senado at Kamara nang hindi kailangan ng pirma ng Pangulo.
Inihain na rin sa Kamara ang House Concurrent Resolution No. 37 ni Taguig-Pateros Representative Ricardo “Ading” Cruz Jr. na naglalayong isama ang 10 EMBO barangay sa dalawang umiiral na legislative districts ng lungsod ng Taguig at dagdagan ang bilang ng mga konsehal sa bawat distrito mula walo hanggang 12.
“I’m just saying that with a little over 300,000 people and the number of voters cast in the resolution, we cannot do nothing,” sabi ni Cayetano.
Ayon din kay Cayetano, habang maaari nang bumoto ang mga botante ng EMBO sa lokal na opisyal, mahalaga rin na mabigyan sila ng kinatawan sa Kongreso.
“People in the EMBOs will be very grateful that we gave them the choice, kung sino’ng gustong tumakbo at sino [ang] gusto nilang iboto,” aniya.