MARIING pinabulaanan ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig. Gen Nicolas Torre III ang paratang na pinigilan nila ang siklistang sinaktan ng retiradong pulis na magsampa ng kaso.
Partikular na tinukoy ni Torre ang mga patutsada sa social media kung saan aniya pinalalabas na kinampihan niya ang retiradong pulis na si William Gonzales na nakunan ng video sa aktong pananakit at pagkakasa ng baril sa harap ng kaalitang siklista noong Agosto sa Quezon City.
Ayon kay Torre, walang katotohanan, istupido at napaka-iresponsableng insinwasyon laban sa kanila.
Hindi aniya siya magiging heneral kung ganun kakitid ang kanyang pag-iisip.
“That’s a very stupid and very irresponsible insinuation. That’s not true,” galit na sagot ni Torre sa isang panayam sa radyo, matapos tanungin hinggil sa mga kumakalat na report na tinatangka umano nilang pigilan ang hindi pinangalanang siklista na magdemanda kay Gonzales.
“Kung ganyan akong klaseng pulis hindi ako maghe-heneral. Napaka-bobo naman kung gagawin ng isang pulis ‘yan at naka record pa. That’s very unbecoming for a police officer to insinuate that a complainant will not file a case against a person,” dagdag pa niya,
Si Gonzales, 63, ay isang retiradong pulis, na nakita sa isang viral video na pumasok sa bike lane, nanakit at nagkasa ng baril sa isang siklista na muntik na nitong mabangga sa bandang Welcome Rotonda noong Agosto 8.
Nauna rito, sinabi ni Atty. Raymond Fortun sa isang Facebook post na dinala ng mga pulis ang siklista sa presinto at pinuwersang pinapirma ng kasunduan at pinagbayad pa ng P500 dahil sa gasgas na nagawa niya sa sasakyan ni Gonzales.
Maging ang uploader umano ng viral video ng insidente ay pinagbantaan din kakasuhan kung hindi buburahin ang video.
Tiniyak naman ni Torre na kukontakin nila si Atty. Fortun upang makuha ang pahayag ng siklista at mai-file ang kaso laban sa retiradong pulis.
Sa isang panayam naman sa telebisyon, sinabi pa ng heneral na, wala pa namang case closed [o] case solved dahil alam nila kung nasaan ang suspek at alam din umano nila kung ano ang ginawa nito.
Sa ngayon ay hinihintay na lang umano nila ang complainant kung itutuloy niya ang kaso at kung gusto niyang magsampa ng reklamo.
Maaari pa ring magsampa ng kasong kriminal ang siklista laban kay Gonzales, sa kabila ng pahayag ng huli na nagkasundo na sila.
“Nasa sa kanya po iyon. Wala pong pumipigil sa kanya. Ang settlement naman na iyan, any time kung gusto umatras, at gusto magbago ng isip e walang problema po ‘yon,” dagdag ng QCPD chief .
Nitong Linggo ay sumuko si Gonzales sa QCPD matapos na magviral ang nasabing road rage incident at sinabing nagkasundo at nagkapatawaran na sila ng siklista na kaniyan sinapak at kinasahan pa ng baril.
Nanawagan rin ito sa mga netizen na maging responsable sa kanilang mga ibinabahagi sa social media dahil hindi naman umano nila alam ang puno’t dulo ng insidente.