
LABING-ISA katao — kabilang limang bumbero ang nagtamo ng mga paso sa katawan nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Quezon City, Linggo ng gabi.
Nasa 200 pamilya ang nawalan ng tahanan, batay sa paunang ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP).
Kinilala ang sa mga nasugatang bumbero na sina Insp. Miles Valdez; SFO3 Renato Roque, 46; FO1 Ronnie Racuyal, 37; FO1 Jade Medrano, 34; at FO1 Robert Vincent Angeles IV,
Pasok din sa talaan ng mga sugatan sina Lodovico Zamora, 52; Lerme Lumbay, 45; Raymond Bacatan, 32; Michael Catapat, 21; Jonna Oliva, 18; at Narciso Elardo, 63.
Ayon sa BFP, bandang alas-9:00 ng gabi (August 27) nang sumiklab ang sunog sa Adelfa at Vargas Compound, na nasa likod ng isang Montessori sa Barangay Culiat ng nasabing lungsod.
Dahil sa makipot na daan, nahirapan ang mga bumbero pasukin ang naglalagablab na bahay para apulahin ang sunog na mabilis na kumalat sa mga katabing istruktura.
“Nahirapan pasukin ng ating mga bumbero ang origin ng sunog . Nahirapan din po tayo sa pagladlad ng fire hoses natin. Nakita natin sa dami ng mga kababayan na papalabas, kami naman ay papasok,” ayon kay QC District Fire Marshal Fire Senior Superintendent Aristotle Banaga.
Naging balakid din sa pagpatay ng apoy ang mahinang supply ng tubig sa fire hydrant sa naturang komunidad.
“Source of water natin medyo mahina ang buga ng fire hydrant. Mayroon tayong dalawang nakuhanan ng tubig pero malayo ang lugar ng fire hydrant.” aniya pa.
Lalo pa umamong lumakas ang apoy nang magkaroon ng mga pagsabog, na posibleng mula sa tangke ng LPG na nasa isa sa mga nasusunog na tahanan.
Sa pagtaya ng BFP, humigit kumulang sa 50 kabahayan ang tinupok ng apoy na umabot sa ikalimang alarma bago tuluyang naapula bandang alas-2:56 ng madaling araw .
Ayon naman sa mga opisyal ng barangay tinatayang aabot sa halos 200 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog.
Inaalam pa naman ng mga arson investigator ang pinagmulan ng apoy, gayundin ang halaga ng pinsala.