SA unang araw pa lang ng implementasyon ng Comelec gun ban kaugnay ng nalalapit na halalan, dalawa katao agad ang nasompolan sa Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, ang mga supek na sina Jomar Dela Cruz ng Brgy. Gulod Novaliches, at Rino Veñales, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Ayon sa ulat, unang naaresto ng mga tauhan ng Novaliches Police Station sa pamumuno ni Lt. Col. Jerry Castillo, si Dela Cruz bandang ala-1:30 ng madaling araw, sa isang COMELEC checkpoint, sa tapat ng isang gasolinahan sa Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches.
Namataan umano ng mga pulis ang suspek habang nagmamaneho ng isang RUSI motorcycle na walang suot na helmet at nang parahin sa checkpoint ay mabilis pa nitong pinasibad ang kanyang mga minamanehong motorsiklo.
Hinabol ng mga otoridad at nang maaresto, nakumpiskahan ang suspek ng isang sumpak, dalawang piraso ng 12 gauge live ammunition, sling bag.
Samantala, si Veñales ay nadakip naman ng mga tauhan ng Holy Spirit Police Station sa pangunguna ni Lt. Col. May Genio, bandang alas-3:40 ng madaling araw sa Brgy. Pasong Tamo.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa isang nagwawalang lalaki sa nasabing lugar kaya’t mabilis na rumesponde ang mga pulis at inaresto ang suspek.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang sumpak at dalawang pirasong 12 gauge live ammunition.
Kaugnay nito, tiniyak ng QCPD chief na mahigpit nilang ipatutupad ang Comelec Checkpoints at gun ban sa lungsod, na nagsimulang umiral nitong Agosto 28 at magtatagal hanggang Nobyembre 29, 2023.