Ni LILY REYES
PORMAL na sinampahan ni dating Senador Antonio Trillanes III ng patong-patong na kasong libel at cyberlibel si former Presidential Spokesperson Harry Roque bunsod ng walang puknat na alegasyon kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea.
Bukod kay Roque kabilang rin sa mga inasunto ng dating senador ang Sonshine Media Network International (SMNI) na pag-aari ng puganteng Pastor Apollo Quiboloy na kilalang matalik na kaibigan ni former President Rodrigo Duterte.
Swak din sa talaan ng mga inireklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga prominenteng personalidad sa social media kabilang si vlogger Byron Cristobal na mas kilala sa alyas na Banat By.
Partikular na binanggit sa reklamo ni Trillanes ang di umano’y pagpapakalat ng tsimis na siya ang nagbenta ng Bajo de Masinloc sa bisa ng tinaguriang “backchannel talks” sa bansang China noong 2012.
“Dito makikita na kung ano yung binibintang nila sa akin na ito yung basis nung aking libel and cyberlibel charges ay yun pala sila ang gumagawa sila yung nag compromiso sa interest ng ating bansa dyan sa West Philippine Sea,” paliwanag ni Trillanes.
Hagip din ng reklamo ni Trillanes ang isang Guillermina Barrido na nagsabing inalok di umano siya ng dating senador ng pera para tumestigo laban kay Duterte.
Inihahanda na rin ng kampo ni Trillanes ang kaso laban sa iba pang social media influencers.
“Ito ang ating push back sa pag disseminate ng false information at mga fake news laban sa akin. Ngayon nakita natin na panahon na ito ay makakakuha na tayo hustisya hindi natin ito is inaasahan noong panahon ni Duterte kaya ngayon natin naisipan ifile ito,” pahabol ng dating senador.
