Ni ESTONG REYES
HAYAGANG inamin ni Senador Nancy Binay ang planong pagtakbo bilang alkalde ng lungsod ng Makati sa pagtatapos ng kanyang termino sa susunod na taon.
“At the moment…’yung future plans, ang trajectory niya talagang papunta sa Makati. Siguro ngayon, baka 70-30 kasi siyempre nga palapit na nang palapit,” sambit ni Binay sa napipintong pagsagupa kay Makati Rep. Luis Campos
Gayunpaman, nilinaw ni Binay na hangad niya muna makipag-usap sa mga miyembro ng pamilya, kabilang ang nakababatang kapatid – si Makati City Mayor Abby Binay na asawa ni Campos.
“Sa pronouncements niya, mukhang nagbitaw na siya ng salita na mukhang tatakbo siyang mayor. Para sa akin, dapat always open yung pinto para mag-usap kami kasi at the end of the day, di ba, pamilya kami,” wika ng senador.
“Lalong-lalo na ako ang panganay, ako ang ate, dapat yung effort na magkaayos-ayos na walang-laban dun sa pamilya ay yun pa rin ang goal natin sa 2025 elections…pamilya pa rin siya kahit asawa lang siya ng kapatid ko,” dugtong pa ng nakatatandang Binay.
Ayon sa senador, hangad lang niya sa kanyang pagkandidato para sa posisyon ng alkalde ng Makati ituloy ang legasiya ng amang Jejomar Binay na nagsilbing mayor sa loob ng mahabang panahon bago pa nahalal Bise Presidente ng bansa.
“At the end of the day, legacy ng ama ko ang kailangan naming i-continue. Kung anong serbisyong Binay na naumpisahan ng aking ama, yun ang kailangan ipagpapatuloy. Kailangan ma-resolve sino sa aming dalawa yung mas makakapag patuloy nung ganung klaseng serbisyo,” dagdag pa niya.
“Pag talagang sinabi ko na tatakbo ako, na-input na yon na malungkot man, pero at the end of the day, kailangan what will be good for Makati ang consideration. Kung kailangan na i-sacrifice yung in-law relationship para dun sa mga kababayan ko sa Makati, we have to sacrifice that,” aniya pa.
Para sa senador, pwede naman aniyang tumakbo ulit bilang kongresista si Campos matapos magpasya ang Korte Suprema ilipat ang hurisdiksyon ng kinakatawang distrito sa Taguig City.
