Ni LILY REYES
SINO nga ba naman ang mag-aakalang may maglalakas loob magbenta ng droga hindi kalayuan sa punong tanggapan pa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kahabaan ng Agham Road, Quezon City.
Sa isang buy-bust operation na ikinasa ng Quezon City Police District (QCPD , timbog ang 47-anyos na ginang matapos makuhanan ng hindi bababa sa P183,600 halaga ng shabu.
Kinilala ni QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan, ang suspek sa pangalang Laila Taup ng Barangay Central Diliman, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng QCPD, dinakip ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pamumuno ni Maj. Wennie Ann Cale, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA ang suspek base sa timbre ng isang impormante kaugnay ng di umano’y lantarang bentahan ng droga sa Dahlia Street.
Ikinasa ang buy-bust operation bandang alas 12:00 ng hating gabi. Narekober sa suspek ang 27 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P183,600, isang coin purse, at ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
