PANSAMANTALANG pinalaya ng husgado ang anim na kabataang aktibista matapos maglagak ng piyansa kaugnay ng isinagawang kilos-protesta sa harap ng US Embassy sa Maynila kasabay ng paggunita ng Araw ng Manggagawa.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pag-ayon ang Manila Police District (MPD), kasabay ng giit na iginagalang ng pulisya ang karapatan magpahayag ng mga mamamayan alinsunod sa umiiral na Saligang Batas.
Gayunpaman, hinikayat ni MPD chief Brig. Gen. Thomas Ibay ang mga militanteng aktibista na ilagay sa ayos ang mga kilos protesta.
“We respect your rights to express your concerns and demands. However, every right has a corresponding responsibility,” ayon Ibay.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Batas Pambansa 880 (Public Assembly Act of 1985) ang mga raliyista matapos di umano salakayin ang mga pulis na itinalaga sa embahada para tiyakin maayos ang rally.
Una nang sinabi ng MPD na apat na pulis ang nasaktan sa naturang insidente.
Dakong alas 6:00 kahapon nang ilipat sa kustodiya ng abogado ng pulisya ang mga akusado.
