BUKAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa isang dayalogo kasama ang mga grupong tutol sa isinusulong na karagdagang Transport Network Vehicles Service (TNVS) slots.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III ang grupong Laban-TNVS na una nang nagpahayag ng pagtutol sa planong pagbubukas ng karagdagang 10,300 TNVS slots sa hangaring punan ang kakulangan sa public transportation.
Ayon kay Guadiz III, mas makabubuti kung mapag-usapan lahat ng hinaing mula sa stakeholders.
Bukod pa sa grupong Laban-TNVS, hinikayat rin ng opisyal ang iba pang grupo para dumalo sa ikinasang dayalogo.
“As I have said time and again, the LTFRB is open to discuss matters related to concerns, at that time on the PUV modernization program, and now on the additional TNVS slots. We have always believed that a truthful and sincere dialogue will help in the resolution of any issue, and we will always welcome that,” pahayag ni Guadiz.
Target ng LTFRB na magbukas ng karagdagang 10,300 TNVS slots sa National Capital Region (NCR) alinsunod sa Metro Manila Urban Transportation Integration Study Update and Capacity Enhancement Program (MUCEP).
Paniwala ng Laban-TNVS, hindi pa napapanahon ang pagbubukas ng 10,000 bagong TNVS slots, kasabay ng mungkahing silipin ang 40,000 TNVS na deactivated na pero patuloy na bumabyahe at kinukunsinti ng isang transport network company.