SA halip na maghain ng reklamo, ang siklistang sinaktan at kinasahan ng baril pa ang pinagbayad ng isang nagpakilalang pulis, ayon kay Atty. Raymund Fortun sa kanyang Facebook post.
Kwento ni Fortun batay sa mga salaysay ng mga nakasaksi sa insidente, pwersahang kinaladkad ang siklista patungo sa himpilan ng pulisya kung saan pinagbayad ang biktima ng P500 bilang danyos sa di umano’y gasgas sa sasakyang minamaneho ng isang Willie Gonzalez.
“Mayroon akong feedback na natanggap na apparently after this video was shot yung siklista ay kinaladkad sa police station tapos doon ay pinagbayad pa siya ng ₱500 dahil umano ay nagasgasan daw ang kotse niya kaya siya (siklista) pa raw dapat ang magbayad,” ani Fortun.
“Hindi totoong aregluhan ang nangyari dito kasi pinwersa ang siklista, yung siklista pa talaga ang naglabas ng pera dito at hanggang ngayon ay natatakot ang siklista… at hindi papayag ang buong cycling community sa nangyari,” dagdag pa ni Fortun na tumatayong abogado ng biktima.
Naganap ang insidenteng nakuhanan ng video ng isang netizen noong Agosto 8 sa bandang Welcome Rotonda sa Quezon City.
Ayon kay Brig. Gen Nicolas Torre III, Director ng Quezon City Police District (QCPD), lumutang na ang suspek na kanila aniyang dinisarmahan.
“We are now waiting for complaint nung nakaaway niya sa kalsada,” pahayag ni Torre.
Batay sa pag-iimbestiga ng SAKSI PINAS, lumalabas na kawani ng Department of Justice (DOJ) si Gonzalez.
Pagtitiyak ni Fortun, sasampahan ng patong-patong na kasong kriminal ang inilarawan niyang abusadong pulis.
“There is clear case of grave threat dahil dun sa panunutok at pagkasa ng baril and also merong slander by deed. Yung pagbatok sa kanya in public… merong danyos na involved dito,” wika ni Fortun.
“This is a public crime and therefore kahit sino pwedeng magsampa ng kaso,” dagdag pa ng abogado.
Tinatakot din ani Fortun ni Gonzalez ang netizen na nag-upload ng video –
Samantala, humarap naman sa isang pulong-balitaan ang nagpakilalang retiradong pulis na si Gonzalez para ihayag ang kanyang panig matapos magviral ang video ng aktuwal na pananakit ang pagkakasa ng baril sa noo’y takot-na takot na siklista.
“Pagkatapos ng komprontasyon na nakita niyo sa viral video, ako at ang aking siklista ay pumunta kami sa police station kung saan kami ay nagkausap, nagkapatawaran at nagkasundong kalimutan ang nangyari,”
Bagamat wala pang naisasampang kaso laban kay Gonzalez, nakatakda naman aniyang imbestigahan ng PNP Firearm and Explosives Office (FEO) ang insidente bilang bahagi ng proseso sa kanselasyon ng License to Own and Possess Firearm ni Gonzalez.
“Sa ngayon ang kaso… ay administratibo… Ire-review ng FEO ang kanyang license to own and to possess.”
Naglabas na rin ng show-cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa mayari ng sasakyang minamaneho ni Gonzalez noong nangyari ang insidente.
“We assure the public of our swift action on this matter. As much as we want to immediately impose sanctions based on the viral video, we have to observe and respect due process and this includes a fair conduct of investigation,” wika ng LTO chief.