
SUGATAN ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos na makatulog at maaksidente habang nagmamaneho ng motorsiklo sa EDSA sa Quezon City.
Mabuti na lamang at sugat lang sa kanang tuhod ang tinamo ng biktimang si Gilbert Merjiña, traffic enforcer ng MMDA, na naka-deploy upang magbantay ng trapiko sa Araneta Coliseum sa Quezon City, kung saan idinaraos ang basketball match para sa FIBA World Cup 2023.
Ayon sa report, bandang alas-4:00 ng madaling araw nang mangyari ang aksidente sa northbound lane ng EDSA, malapit sa Santolan.
Minamaneho umano ng biktima ng kanyang motorsiklo nang maidlip ito dahil sa sobrang pagod hanggang sa salpukin ang mga concrete barrier sa EDSA Busway.
Agad namang nabigyan ng paunang lunas ang biktima ng mga tauhan ng MMDA rescue unit.