
SA baybaying bayan ng Angono na mas kilala bilang Art Capital of the Philippines, hindi uubra ang mga brusko at abusado – bagay na muling pinatunayan kamakailan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan matapos pagtibayin ang isang resolusyong naglalapat ng suspensyon sa isang barangay chairman.
Batay sa mga nakalap na dokumento, sabit sa pera ang isang Kapitan itago natin sa pangalang Fortune Lolo – dangan naman kasi naubos ang pondo ng barangay sa kalukadidang na bilmoko (bili mo ko nun, bili mo ko nyan).
Sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA), mahigit sa P8 milyon ang nailabas sa bangko ni Kapitan (syempre sa tulong ng kanyang ingat-yaman) sa loob lang ng tatlong buwan – mula Setyembre 2021 hanggang Nobyembre ng naturang taon.
Oops, tatlong buwan pa lang ang saklaw ng mahigit P8 milyong hinahanap ng COA… magkano kaya ang kabuuang halaga ng nawawalang pera sa sandaling matapos ang pagsusuri ng state auditor sa nakalipas na tatlong taon?
Target din ng rekomendasyon ng COA na sampahan ng patong-patong na kaso ang treasurer at accountant na pinaniniwalaang kasapakat ni Kupitan Fortune Lolo.
Sa pagsusuri ng COA, nagawang i-encash 138 tseke (na may kabuuang halagang P8.166 milyon) nang walang kalakip na disbursement vouchers na patunay na lehitimo at totoo ang pinagkagastusan ng barangay.
Mas nagduda pa ang COA matapos madiskubreng 61 sa 138 na inisyung tseke ang nakapangalan sa ingat-yaman (personal na pangalan) sa halip na sa tanggapan (batay sa panuntunan ng Bureau of Treasury) o sa ka-transaksyon (tulad ng kontratista at supplier) ng barangay.
Ay heto pa, usap-usapan rin sa naturang bayan ang pagkalulong sa droga ni Kupitan at ng kanyang kalukadidang.
Ang nakakabilib, matapos lumabas ang suspensyon, nakuha pag makapag withdraw sa bangko ng P2 milyon ni Kupitan. Ang resulta – bangkarote ang barangay na meron na lang P6,000 naiwan.
Aysus, nahiya pa ng konti si Kupitan kaya hindi sinaid ang pananalapi ng pamayanan!
But wait, there’s more – humihirit ng isa pang termino ang suspendidong Kupitan.