SA hudyat ng Mayo 2 ng kasalukuyang taon, sisimulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng kontrobersyal na single-ticketing system sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa MMDA, layunin ng kasunduang nilagdaan ng pamunuan ng naturang ahensya kasama ang Land Transportation Office (LTO) at 17 local government units (LGU) sa Metro Manila, na maibsan ang kalituhan sa hanay ng mga motorista bunsod ng magkakaibang sistemang umiiral sa mga lokalidad na sakop ng kabisera.
Bagamat pinagtibay na ang kasunduan para sa tinaguriang Metro Manila Traffic Code, pitong lungsod lang muna ang sasabak – ang mga lungsod ng San Juan, Muntinlupa, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Manila at Caloocan.
Sa ilalim ng single ticketing system, gagamit na mga handheld devices (na konektado sa LTO-Land Transportation Management System) ang mga traffic enforcers para sa cashless payment option sa mga lumabag sa batas trapiko.
Anila, makakatulong ang single ticketing system sa kampanya ng ahensya laban sa katiwalian sa hanay ng bantay-trapiko at panunuhol na lumabag sa batas trapiko.