TALIWAS sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isinusulong na Land Transportation Management System (LTMS) na tanging hangad ang disimuladong pagbabalik ng ibinasurang private motor vehicle inspection center (PMVIC).
Hindi sapat ang katagang ‘kulit’ para ilarawan ang mga utak-sindikatong grupo sa loob ng Land Transportation Office (LTO) na mas kilala sa katangi-tanging diskarteng ganansya – sukdulang pahirapan ang mga Pilipino.
Panahon pa ng ama ni LTO chief Jay Art Tugade nang pwersahang ipatupad ng Department of Transportation (na noo’y pinamumunuan ni Sec. Arthur Tugade) ang PMVIC.
Ang totoo, maganda ang layunin ang PMVIC na magbibigay katiyakan na nasa kondisyon at ligtas na bumiyahe ang mga sasakyan sa mga lansangan. Pero bakit kailangan pang ipasa sa mga pribadong kumpanya ang PMVIC gayung meron naman PMVIC ang mismong LTO?
Ang sagot – bonggang delihensya mula sa mga pinapaborang pribadong kontratista.
Sa usapin ng LTMS – isang komplikadong online portal ng LTO, malinaw na dagdag pasakit lang yan sa mga motorista. Dangan naman kasi, hindi lahat ng motorista tulad ng mga tsuper ng bus, trak, dyip at tricycle ay may kakayahang umunawa sa makabagong teknolohiya – partikular sa internet.
Gayunpaman, may mga nag-aalok ng ‘tulong’ kapalit ng kaalaman sa paggamit ng LTMS. Sa halagang P200, ang mga madiskarteng kawani mismo ng LTO ang gagawa ng kanilang ‘account’ sa LTMS.
Oops, kelangan din palang magbayad ng P75 para magkaroon ng LTMS account!
Ang masaklap, hindi pwedeng lumikha ng account ang sinumang motoristang naghahangad magparehistro ng sasakyan kung walang sertipiko mula sa mga pribadong kumpanyang pasok sa negosyong PMVIC.
Sa madaling salita, hindi serbisyo ang pakay ng lintek na LTMS na yan. Susmaryosep, malinaw pa sa sikat ng araw na negosyo ang motibo sa likod ng sabwatan sa pagitan ng LTO at PMVIC operators.
Pero ang LTO, deadma – kahit pa sinulatan na sila ng National Public Transport Coalition na nakikiusap na isantabi muna ang operasyon ng LTMS.
Sa isang banda, walang dahilan ang mga tiwali sa LTO. Bakit nga naman nila ititigil ang LTMS kung doon naman ay mabubusog ang bulsa nila?
Sa isang artikulong inilimbag sa isang prominenteng pahayagan, isang Ariel Lim na tumatayong pangulo at convenor ng naturang grupo ang nakatakdang maghain ng kaso laban sa LTO kaugnay ng pasakit na dulot ng komplikadong proseso ng LTMS.
Ang tanong – may probisyon ba sa batas na kailangan ng PMVIC? Ang sagot – wala.
Eh bakit pinagpipilitan ng LTO? Kasi nga may bonggang ganansya!
