MATAPOS maglabas ng babala ang World Health Organization (WHO) hinggil sa mabilis na pagsipa ng hawaan sa iba’t ibang panig ng daigdig dulot ng bagong tuklas na Omicron subvariant XBB.1.9.1, nakapagtala naman 54 kumpirmadong kasong pinaniniwalaang bunsod ng naturang mikrobyo.
Pag-amin ng Department of Health (DOH), kumpirmadong Omicron subvariant XBB.1.9.1 ang tumama sa 54 na nagpositibong indibidwal.
Sa datos ng DOH, 39 sa 54 kaso ang dumaan sa pagsusuri ng University of the Philippines – Philippine Genome Center noong Abril 3-11, habang wala naman detalyeng inilabas ang departamento hinggil sa 15 iba pang kaso.
Bagamat patuloy ang pag-aaral ng mga dalubhasang katuwang ng kagawaran, sinabi ng DOH na wala pa silang nakikitang pagkakaiba ang subvariant XBB.1.9.1 kumpara sa mga naunang anyo ng Omicron.
Bukod sa 54 na nagpositibo sa Omicron subvariant XBB.1.9.1, meron din naitalang 150 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Una nang sinabi ni Health Secretary Rosario Vergeire na posibleng pumalo sa 611 ang kaso ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kalagitnaan ng susunod na buwan.
Sa naturang bilang, 122 ang inaasahang arawang kaso ng mga positibo National Capital Region (NCR).
Pasok din sa nakikitaan ng pagsipa ng arawang kaso ng COVID-19 ang Benguet, Camarines Sur, Cavite, Cebu, Davao del Sur, Isabela, Misamis Oriental, Negros Occidental, Palawan, Rizal at South Cotabato.