IIMBESTIGAHAN ng Department of Justice (DOJ) ang umano’y mga report na binibigyan ng special treatment sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa sinasabing masterminda sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Nabatid na si Marvin Miranda, nakadetine sa National Bureau of Investigation (NBI), ay binibigyan umano ng mga pribilehiyo na katulad ng ibinigay kay Jad Dera.
“Nakatanggap kami ng mga report at kailangan naming itong imbestigahan, ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano.
Sinabi ni Clavano na nakatanggap sila ng report na nakalalabas ng piitan si Miranda.
Gayunman, hindi na ito nagbigay ng iba pang detalye.
“Maraming report ngunit kailangan muna naming pag-aralan muna lahat bago kami gagawa ng pahayag,” dagdag pa ni Clavano.
Nagkaroon na umano ng pulong ang DOJ kay NBI Director Medardo De Lemos, na nangakong iimbestigahan ang umano’y illegal na pamamalakad sa loob ng piitan. “Nakausap na naming si Director De Lemos tungkol sa isyu at suportado niya ang gagawin naming imbestigasyon,” ayon pa kay Clavano.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sangkot umano si Miranda sa pag-recruit ng mga assassin sa mga illegal na operasyon ni Miranda.