HINDI pinalampas ng pamunuan ng SM Megamall sa Mandaluyong City ang security guard na huli sa akto ng pagtataboy at pananakit ng batang babae habang nagtitinda ng sampaguita sa harap ng naturang establisyemento.
Sa isang kalatas sa social media, nagpahayag ng pagkadismaya ang pamunuan ng SM Megamall sa nangyaring pambabarako ng hindi pinangalanang security guard.
“We regret and sympathize with the young girl who experienced an unfortunate incident outside our mall,” pambungad na pahayag ng SM Megamall.
Bilang paunang hakbang, agad umanong tinawag ang pansin ng security agency na kinabibilangan ng gwardya para sa paglulunsad ng imbestigasyon. Agad na inalis sa pwesto ang gwardya bunsod ng viral video sa social media.
“We have called the attention of the security agency to conduct an immediate and thorough investigation. The Security Guard has been dismissed and will no longer be allowed to service any of our malls.”
Hagip sa video ang pagkumpronta ng gwardya sa isang batang nagtitinda ng sampaguita sa harap ng naturang establisyemento. Sa footage na kuha ng isang netizen, kinuha at sinira ng guard ang mga sampaguita na paninda ng bata.
Pero nagpumiglas ang batang sampaguita vendor na sinuklian naman ng sipa ng gwardya.
