ASAHAN ang mas makapal na hanay sa paglulunsad ng Iglesia Ni Cristo sa tinaguriang peace rally na gaganapin sa Quirino Grandstand sa Lungsod ng Maynila pagsapit ng Enero 13 ng kasalukuyan taon.
Sa isang kalatas ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), nagpahiwatig ng pakikiisa ang hanay ng mga tagapanalig ng nakakulong na KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy, sa isasagawang peace rally para sipulin ang anila’y napipintong pagbabalik ng madilim ng yugto ng kasaysayan sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ayon sa KOJC, kinikilala ni Quiboloy ang hakbang ng INC para sa mobilisasyon ng milyon-milyong mamamayan sa hangaring pukawin ang isipan ng mga mamamayan sa usapin ng kapayapaan at kaayusan.
Panawagan ng grupo ni Quiboloy kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., simulan ang makatwirang pagbabago.
Wala pang pahayag ang Malakanyang sa pagsasanib-pwersa ng INC at KOJC.
Gayunpaman, sinuspinde na ng Palasyo ang trabaho sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan at paaralan (mula elementarya hanggang kolehiyo) na nakabase sa mga lungsod ng Maynila at Pasay sa mismong araw ng peace rally.
