MATAPOS umatras bunsod ng kabi-kabilang batikos, biglang kumambyo ang bilyonaryo sa likod ng San Miguel Corporation hinggil sa naunsyaming Pasig River Expressway (PAREX) project.
Tuloy ang proyekto, ayon kay SMC President at Chief Operating Officer Ramon Ang sa isang panayam kasabay ng ginanap na Philippine Economic Briefing na ginanap sa Pasay City.
.Gayunpaman, nilinaw ni Ang na kailangan muna nilang tugunan ang mga isyung ipinupukol sa P95-bilyong halaga ng proyekto.
“We are addressing ‘yung mga concern. Di ba maraming concern, maraming nagsasabi hindi maganda. Maliit, malaki, sinusubukan nating i-address, kaya naka-hold ngayon muna,” wika ng business mogul.

Paliwanag ni Ang, walang isinumite sa Toll Regulatory Board (TRB) ang SMC ng anumang dokumento ng pag-atras sa kontrata – bagay ni kinumpirma ni TRB Executive Director Alvin Carullo.
Una nang sinabi ni Carullo na nananatiling bukas ang PAREX project.
Buwan ng Marso ng kasalukuyang taon nang maglabas ng pahayag si Ang.
Ayon kay Ang, hindi na itutuloy ang ng SMC ang proyekto bunsod ng agam-agam ng publiko.
Target ng PAREX magtayo ng 19.37-kilometer six-lane elevated road sa Pasig River, mula sa Radial Road 10, Manila hanggang sa C-6 sa bayan ng Taytay.
