Ni LILY REYES
TALIWAS sa progreso ng ibang kaso, hindi hamak na mabilis na naresolba ng kapulisan ang insidente ng pananambang na ikinasawi ng babaeng opisyal ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, nadakip na at kasalukuyang isinasailalim sa inquest proceedings ang suspek na pinaniniwalaang pumatay kay LTO Central Office Registration Division chief Mercedita Gutierrez.
Gayunpaman, tumanggi si Abalos ilabas ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa pamamaslang.
“Well siguro may kinalaman sa sasakyan, sa pagmamaneho. Hindi, hindi ito nauugnay sa trabaho. So tingnan na lang natin,” wika ni Abalos.
“So antayin na lang natin yong inquest and then once it becomes public record, I will ask Jean (Fajardo) to give you a copy but what is important is, as of now, meron nang suspect na under police custody at ipa-file na ang inquest, at maagap ang pulisya po natin,” dadag pa ng Kalihim.
Una nang sinabi ni Col. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), hindi naging mahirap sa publisya matunton ang suspek na nataranta matapos ang pamamaslang.
Aniya hindi namalayan ng salarin na nahulog ang kanyang belt bag kung saan nakalagay ang rehistro ng motor na ginamit sa pananambang.
