HINDI umubra ang tikas sa pelikula ni Sen. Robin Padilla matapos soplahin ng mga kapwa senador ang isinusulong na amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Sa isang pulong balitaan, hayagang kinontra nina Senate President Juan Miguel Zubiri ang panukala ni Padilla, kasabay ng giit na wala sa napagkasunduang Legislative and Executive Development Council (LEDAC) agenda ang Charter Change.
“Wala naman sa agenda namin ang Charter Change. Kung nakita niyo it’s about 20 legislative priorities ang pinag-usapan namin sa LEDAC. Wala po doon ang Charter Change,” ayon kay Zubiri.
Gayunpaman, nilinaw ni Zubiri na hindi pipigilan si ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes magsagawa ng pagdinig. Aniya, hanggang committee report lang ang aabutin ng isinusulong na Chacha ni Padilla.
“He has the mandate to do so. He can do so but it’s not a priority of our administration… We would like to finish the 20 priority measures that are still pending with us,” ayon sa lider ng senado.
“I’m not saying it’s dead…pero hanggang committee report lang ‘yan kasi kailangan niya po maglabas ng committee report and we have to see kung pipirmahan ba ng mga colleagues natin yung committee report kasi may kausap akong mga senador na hindi sila pabor na pag-usapan ang Charter change itong mga panahon na ito,” dagdag pa ni Zubiri.
Kabilang sa mga priority billa sa ilalim ng LEDAC ang ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP); paglikha ng Center for Disease Control and the Virology Institute of the Philippines; Medical Corps Bill; Maharlika Investment Fund Bill; at ang Mandatory ROTC and National Service Training Program.
“At this point of time, ayaw po natin pasukan ng isang divisive issue and I think this will be a very divisive issue and I think what the country needs to do right now is to focus on post-pandemic recovery and reconstruction. Doon muna tayo,” ani Zubiri.
Kinatigan naman nina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senador Alan Peter Cayetano, Grace Poe at Imee Marcos ang posisyon ng Senate President.
“Sumasang-ayon po tayo sa Pangulo na hindi urgent o napapanahon ngayon para sa Charter change. May mga batas na po tayong naipasa para maka-attract ang bansa ng mas maraming foreign investors, at patuloy pa rin po ang Senado sa trabahong ito,” ayon kay Villanueva.
Sa hiwalay na panayam, sinab ni Cayetano na timing ang pinakamahalagang bagay sa pag-amyenda sa Saligang Batas dahil sa ngayon, dagdag distraction ang charter change sa bansa na nagsisimula pang bumangon sa pandemya.
“I’ll be a hypocrite if I tell you na perfect ang Constitution. Maraming dapat diyan palitan. Ang problema yung ibang kailangan palitan diyan ay very political. So in a very controversial administration or political situation, ngayong galing sa pandemic, additional distraction talaga. Madi-distract lang tayo,” ayon kay Cayetano.
Para naman kay Poe, malaki ang magiging epekto sa consensus ng Senado ang huling pahayag ng Pangulo na tinatabla ang Charter change ni Padilla.
“Kung hindi susuporta ang Pangulo, mas uunahin ng Kongreso ang mga nasa priority list tulad ng Internet Transactions Act o CDC bill,” ani Poe.
Binanggit ni Poe na mayroon nang naisabatas na panukala na tutugon sa sinasabing paghihigpit sa ekonomiya na nakatakda sa Saligang Batas tulad ng Amendments on the Public Service Act, ang Retail Trade Liberalization Act at Foreign Investments Act.
“Kung foreign investments lang din ang usapin, it might not be relevant to go around the public asking if they agree to term extensions or other non-economic provisions. Hindi naman tungkol sa foreign investments ‘yan. These discussions scare away foreign investment and confuse the public as to whether Charter change is just for political gain,” aniya.
Kahit pabor sa ideyang amyenda sa economic provisions, naniniwala naman si Marcos na maaaring galawin din ang ibang probisyon partikular ang political provisions.
“Ang problema pag buksan mo ang Saligang Batas, talagang kakalkalin lahat. ‘Di maiiwasan ‘yon. Kaya given the state of our economy and health threats that face us today, ‘yung kapatid ko matagal nang sinasabi talaga na huwag muna ‘yung constitutional issues dahil mahabang usapin ‘yan at baka cannot afford tayo ngayon,” ayon kay Marcos sa ambush interview.
“Paano natin ibebenta sa foreign investor na meron kami na itong public utility pwede na kayong mag-invest dito? Eh one year na, wala pang IRR. Kinukwestyon pa ng maraming nagrereklamo at sinasabi nila na unconstitutional ito. Kung ikaw ba, investor ka, makita mo gusto ko mag-invest sa public utility na ‘yan at nabalitaan mo, teka may nagkukuwestyon, magbibigay ka ng pera?” ayon kay Padilla.
