IMINUNGKAHI ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang pagdaragdag sa pondo ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng programang pagbibigay ng panimulang kapital sa negosyo sa hanay ng mga walang trabaho o pinagkakakitaan.
Ayon kay Cong. Tulfo, “may pinamimigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na P15,000 na kapital sa bawat pamilya na mula sa mahirap na komunidad, na walang kinikita para magkaroon ng hanapbuhay.”
“Pero kailangan muna nilang sumailalim sa training sa pagnenegosyo para hindi naman masayang ang kapital at tunay na makatulong sa kanila,” ani Cong. Tulfo na dating Kalihim ng DSWD.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ay ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensya para sa mga mahihirap na walang pinagkakakitaan sa isang komunidad.
Sinabi ni Tulfo na maganda ang SLP bilang bahagi ng poverty alleviation program ng DSWD, pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian, alinsunod na rin sa pagnanais ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. itaas ang antas ng pamumuhay ng mga maralita.
“Ang target kasi ng SLP ay mga mahihirap na lugar at yung mga pamilya na magtatapos na sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program),” dagdag pa mambabatas, na kandidato sa pagka-senador ngayong May 12 elections.
“Magsusulong tayo ng batas na hindi lang dapat available sa mga mahihirap na komunidad ang SLP kundi sa lahat ng qualified na walang hanapbuhay, ay dapat mabigyan ng puhunan,” pahayag din ng kinatawan ng ACT-CIS Partylist. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
