TAYMPERS muna tayo sa mga dorobo sa gobyerno para bigyang daan ang reklamo ng isang ginang hinggil sa sukdulang kagulangan ng isang sikat na bangko — BDO na pag-aari ng pamilya Sy.
Pag-amin ng ginang na tawagin na lang natin sa pangalang Salome, dedma ang Banco De Oro (BDO) sa kanyang hiling na “balance card conversion” na naglalayong tapusin ang pagpapataw ng patong-patong na interes sa sinasabing utang gamit ang kanyang BDO platinum credit card.
Saan ka ba naman kasi nakakita ng P200,000 lang ang utang pero ang pilit sinisingil ng BDO tumataginting na P600,000.
Susmaryosep! Talo nyo pa mga online loan sharks sa pagiging gahaman. Walang angkop na kataga sa wikang Pilipino para ilarawan ang inyong switik – halaw sa mga salitang swapang at lintik.
Ayon kay Salome, buwanan naman siyang nagbabayad ng hindi bababa sa P12,000 para sa P200,000 accumulated purchases gamit ang kanyang BDO credit card sa nakalipas na dalawang taon.
Laking gulat ng ginang na hindi nababawasan ang kanyang bayarin. Ang masaklap, may P400,000 pa ang pilit sinisingil ng BDO. Ipinrisinta rin ng ginang ang buwanang fund transfer ng kanyang pinagbayaran.
Nakipag-ugnayan na rin ang ginang sa BDO gamit ang telepono sa mismong bangko kung saan nakalagak ang kanyang deposito. Hindi na rin umano niya mabilang kung ilang ulit siyang nagpadala ng email ng naturang bangko gayundin sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may regulatory powers sa credit card ng mga private banking institutions.
Sa ilalim ng Republic Act 10870 (Philippine Credit Card Industry Regulation Law), mahigpit na ipinagbabawal ang “excessive, undisclosed, or predatory charges.” Pero ang BDO dedma lang na tila may sinasandalan sa pamahalaan.
Pero hanggang ngayon, wala pa rin tugon ang BDO. Ang BSP naman, computer-generated ang sagot.
But wait there’s more, muling nagpadala ng billing statement ang BDO na para sa akin ay may kasama pang pananakot.
Nakakagalit. Sobrang hapit. Nuknukan ang pagkaganid… yan ang tatak BDO!
Habang tumatagal, lalong ibinabaon ng BDO sa obligasyon ang pobreng ginang na una nang nagpahayag ng kahandaan magbayad ng utang — pero hindi higit sa dapat lang niya punuan.
Sa mga taga-BSP na kumilos naman kayo! Palibhasa anlalaki ng sweldo nyo kaya bastante na kayo kahit alam nyo naman ang ginagawa ng BDO. Takot ba kayo sa pamilya Sy? O baka naman may porsyento rin kayo?
