
SA hindi inaasahang pagkakataon, biglang binawi ng dalawang pinakamalaking business organizations sa bansa ang suporta sa isinusulong na Charter Change (ChaCha) ng Kamara.
Pag-amin ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, siya man ay nabigla sa desisyon ng Makati Business Club (MBC) at Financial Executives Institute of the Philippines (Finex) na ngayon ay kapwa kontra na sa ChaCha.
Ayon kay Rodriguez na tumatayong chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, kabilang aniya ang MBC at Finex sa mga business organizations na unang nagpahayag ng suporta sa panukalang amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
“MBC and Finex are now against Charter amendments. Before this position, they were in favor of changing the Constitution’s economic provisions,” dismayadong pahayag ng kongresista.
Sa position paper umano ng MBC noong September 11, 2019, iginiit ng mga naturang grupo ang suporta sa ChaCha – partikular sa “investment restriction” sa ilalim ng umiiral na Saligang Batas.
“Finex, in a letter to the committee last Feb. 17, said it agreed with House members on the need to amend the Charters economic provisions, which have resulted in the most restrictive economic environment among our peer countries and have impeded foreign investments,” litanya pa ng isa sa mga agresibong nagtutulak ng ChaCha.
Nakakuha naman ng kakampi ang MBC at Finex sa minorya.
Ayon Albay Rep. Edcel Lagman, ang biglang pagtutol ng MBC at Finex sa ChaCha ay isang patunay na hindi pa napapanahon ang amyenda sa Konstitusyon lalo pa aniya’t lumalala ang problema sa kahirapan, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kawalan ng seguridad pagkain.
Hindi rin aniya angkop na gumastos ng bilyon-bilyong piso para sa Constitutional Convention (ConCon).
Para kay Lagman, dapat ilaan na lang ng pamahalaan ang pondo para iangat ang buhay ng mga Pilipino, kasabay ng giit na hindi garantiya ang bagong Saligang Batas para maengganyo ang mga dayuhang kapitalista na magnegosyo sa bansa.
“A political debate on amending the Constitution will be disruptive of the country’s economic recovery momentum and divisive at a time when national unity must be forged.”