
NASA 25 lokal na opisyales sa mga lalawigan sa Visayas region ang nakatakdang ipatumba ayon sa Philippine National Police (PNP) Western Visayas Regional Office.
Pag-amin ni PNP regional director Brig. Gen. Leo Francisco, anim sa naturang bilang ang aniya’y nasa peligrong utasin anumang oras. Gayunpaman, hindi sinabi ng opisyal kung sino at bakit ipapatumba ang mga lokal na opisyales.
Giit ni Francisco, lehitimo ang mga banta sa mga naturang opisyal batay sa resulta ng dalawang linggong ‘verification, validation and threat assessment.’
Sa panayam ng isang lokal na pahayagan, inilarawan ng heneral na ‘high-risk’ ang banta sa 18 local officials, pito ang pasok sa kategorya ng ‘medium risk.’
Bagamat hindi tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga lokal na opisyales, sinabi naman ng heneral na 16 ay mula sa Negros Occidental; anim mula sa Iloilo, isa ng nakabase sa Capiz at dalawa naman ang nasa Bacolod.
Kabilang aniya rito ang siyam na municipal mayor/vice mayor, pitong punong barangay, dalawang city mayor/vice mayor, dalawang congressman, tatlong kagawad, isang city councilor at isang town councilor.
Bilang tugon sa napagtantong peligro, nakatakda naman irekomenda sa Police Security and Protection Group (PSPG) na magbigay ng dagdag seguridad sa mga naturang local government officials.