ISANG buwan bago sumapit ang Araw ng Manggagawa, higit na angkop maging abala ang Kamara sa pagtutulak ng umento para sa mga obrero, ayon sa isang militanteng kongresista.
Para kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, kung meron man dapat ipilit na ipasang panukalang batas, dagdag-sahod para sa mga manggagawa at hindi ang Charter Change (ChaCha) na tinutulak ng administrasyon.
Ayon kay Brosas, dapat na rin talikuran ng mga kapwa niya kongresista ang ChaCha, kasunod ng pagbawi ng suporta ng Makati Business Club (MBC) at Financial Executives Institute of the Philippines (Finex) sa nakaambang amyenda sa 1987 Constitution.
Sa halip na ChaCha, hinikayat niya ang mga mambabatas na ituon ang oras at atensyon sa pagpapatibay sa mga panukalang magpapagaan sa mabigat na pasakit sa mga mamamayan.
“Dagdag-sahod dapat ang talakayin ng parehong Kamara at Senado at tiyakin ang pagpasa ng mga panukala para sa kagyat na alwan ng mga manggagawa bago ang Mayo Uno, hindi itong ConCon na pilit na pilit at hindi nakatono sa hinaing ng sambayanang Pilipino,” ani Brosas.
Bagamat bakasyon na ang Kongreso hanggang Mayo 7, pwede naman aniyang magsagawa ng pagdinig ang mga kinauukulan komite sa mga nakatenggang panukala.
Kinantyawan din ni Brosas ang mga kongresistang nagsusulong ng ChaCha na ayon sa kanya’y nalalagasan sa halip na madagdagan ang suporta.
Kabilang ang MBC sa nagpahayag ng suporta sa ChaCha noong 2019 subalit sa hindi inaasahang pagkakataon at kumambyo noong nakaraang linggo.
“As the MBC-led business bloc abandons the Chacha train, the push for ConCon is further exposed as politically motivated and bereft of backing even by pro-economic liberalization groups.”
Paniwala ni Brosas, natunugan ng mga negosyante ang tunay na adyenda sa likod ng isinusulong na ChaCha – ang pagpapalawig ng termino ng mga nasa pwesto.
“The risks are too high under the proposed ConCon, aside from the steep spending bill estimated at over P28 billion. Imagine letting the ConCon delegates tinker with any part of the charter – even provisions on term limits, dynasties, and bill of rights.”