
HINIKAYAT ng dalawang beteranong senador ang Department of Agriculture (DA) na alalayan 24-oras ang mga magsasaka at mangingisdang Pinoy sa sandaling ganap na maging batas ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) free trade agreement.
Paniwala nina Senador Grace Poe at Chiz Escudero, lubhang apektado ang sektor ng agrikultura sa panukalang RCEP free trade agreement kung saan anila malalagay sa dehado ang mga Pilipinong magsasaka at mangingisda – kung walang aagapay na tanggapan ng gobyerno.
“Pero kung iisipin mo kasi ang benepisyo ng RCEP, makakapag-import tayo nang walang taripa sa ibang bansa, so kukuha rin sila sa atin. Kung may taripa ang ating ie-export, natural hindi sila kukuha sa atin. Kukuha sila sa ibang bansa,” ayon kay Poe.
“At saka tayo na lang yata sa ASEAN na hindi pa sumasali diyan,” dagdag ng senadora.
Gayunpaman, nilinaw ng senadora na kailangan pa din natin umangkat ng input sa agrikultura na mas magiging mura tulad ng fertilizer at iba pang kailangan sa pagtatanim.
“Pero habang ginagawa natin ito, kailangan ang Department of Agriculture ay magbuhos ng pera sa ating magsasaka para makasabay sila.,, tulad ng pagkakaroon ng cold storage facilities,” giit ni Poe.
Partikular ng tinukoy ni Poe ang mga nabubulok na ani dahil malalaking kartel ang nagmamay-ari o nagpaparenta ng cold storage facilities kaya aniya nararapat lang magpatayo ang gobyerno ng mga mas maliit na cold storage facilities na paglalagakan ng ani sa bukid o huli mula sa karagatan.
“Dapat ‘yan ang pagtuunan ng pansin ng Department of Agriculture at hindi tayo papayag sa RCEP na ‘yan hangga’t walang programa ang DA kung ano ang gagawin nila in the next 10, 20 years dahil ang RCEP naman may pagitan din ‘yan, hindi naman agad-agad ipatutupad yan. Merong moratorium period ‘yan so makakapaghanda ang magsasaka, kung papayagan natin ha… wala pang committee report, wala pang committee chairman,” ayon kay Poe.
Samantala, hiniling din ni Escudero sa pamahalaan na meron man o walang RCEP, dapat kumilos ang DA para maging “resilient at competitive” ang mga lokal na magsasaka sa pandaigdigang merkado.
“Matagal ko nang panawagan sa pamahalaan na bigyan ng tunay na prioridad ang sektor ng agrikultura. With or without the RCEP in mind, we should make sure that our agricultural sector is resilient to any internal and external shocks. After all, we are an agricultural country,” ayon kay Escudero.
Aniya pa, habang nagsasagawa ng pagdinig ang senado sa sa isinusulong na ratipikasyon ng RCEP Treaty, dapat magsagawa ng mahusay at maingat na pagsusuri upang matiyak na mabigyan ng proteksyon ang sektor ng agrikultura.
“Mas lalo na kung tayo ay sasali sa RCEP kailangan nating siguraduhin na hindi madedehado ang ating industriya ng agrikultura, lalung-lalo na ang ating mga magsasaka at mangingisda,” hirit ni Escudero.
Kailangan din umanong tugunan ng pamahalaan ang kahinaan ng sektor ng agrikultura sanhi ng maliit na puhunan ng gobyerno para sa mga magsasaka at mangingisda.
Dapat aniyang paglaanan ng sapat na pondo ang farm sector tulad din ng sigasig ng Kongreso sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF).
“In 2022 ang value of crop, livestock, poultry, fisheries production na P1.756 trillion, computed in 2018 constant prices, ay mas mababa pa sa P1.086 trillion production noong 2018. Kaya naman tumaas ng 28 percent ang presyo ng gulay, 25 percent ang presyo ng isda, 30 percent ang sa karne sa loob ng apat na taon.”
“Kung mas mahal pa ang isang kilo ng sibuyas kesa sa isang araw na minimum wage, anong pruweba pa ang kailangan ipakita na meron tayong food crisis?” pagtatapos ni Escudero. (ESTONG REYES)