
PROBLEMA sa pamilya ang nakikitang dahilan sa likod ng walang habas na pamamaril ng isang sundalo sa loob ng Camp Evangelista sa lungsod ng Cagayan de Oro kung saan apat na kabaro ang nasawi.
Kinilala ng 4th Infantry Division ng Philippine Army ang mga pumanaw na sundalong nakatalaga sa sa Security Service Batallion sina Sgt. Rogelio Rojo Jr, Corporal Bernard Rodrigo, Pfc Prince Kevin Balaba at Private Joseph Tamayo.Nakikipagbuno naman laban sa nakaambang kamatayan si Staff Sgt Braulio Macalos Jr.
Sawi rin ang naghuramentadong suspek na kinilalang si Private Jomar Villabito na pinutukan ng mga kapwa sundalo.
Naganap ang insidente sa kahimbingan ng tulog sa baraks ng mga sundalo dakong ala-1:10 ng madaling araw.
Kwento ng mga saksi, biglang pumasok sa kwarto ng mga sundalo ang nagwawalang suspek bitbit ang kanyang armalite na service rifle na walang habas na ipinutok sa mga natutulog na kabaro.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang insidente.