TUMATAGINTING na P500 bilyon ang nawawalang kita sa gobyerno kada taon, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ang itinuturong dahilan – tax evasion.
Gayunpaman, tiniyak ni Revenue Commissioner Romeo Lumaguihe na mas paigtingin pa ng BIR ang kampanya laban sa mga tax evader sa hangaring maabot ang P2.599 trilyong revenue target para sa kasalukuyang taon.
Bilang pambungad, 74 kasong tax evasion ang isinampa na rin ng ahensya nitong nakaraang buwan laban sa mga pinaniniwalaang tax evaders – kabilang ang mga pribadong kumpanya, corporate executives at mga abogado.
Paliwanag ng BIR chief, malaking bahagi ng tinawag niyang ‘revenue leakage’ ang bunsod ng illegal smuggling ng mga iba’t ibang kalakal tulad ng sigarilyo, petrolyo at mga agri-products sa mga pantalan at paliparan.
Kabilang rin sa tinutukan ng ahensya ang di umano’y paggamit ng mga pekeng resibo ng mga hindi rehistradong pribadong kumpanya sa kanilang negosyo.
“If isasama natin yung illicit trades, sa sigarilyo pa lang nasa halos P100B yan. Wala pa yung leakage sa petroleum, yung hindi rehistrado at sa pagbebenta ng pekeng resibo. Siguro hindi bababa sa ₱500 billion kung susumahin mo.”