
MATAPOS ratipikahan ng Senado ang kontrobersyal na free trade agreement, higit na kailangan alalayan ng pamahalaan ang lokal na sektor ng ng agrikultura sa napipintong epekto ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, hindi dapat ipagwalang bahala ng Executive Department ang nakaambang dagok sa alinmang sektor na lubhang maapektuhan sa sandaling magkabisa ang RCEP
Sa kanyang interpelasyon, inamin ni Cayetano na may madedehadong sektor sa unang bahagi ng implementasyon.
“There are going to be winners and losers in RCEP. Rather than pukpukin natin isa’t isa, let us ask if we have a commitment from the executive department that they will look at these sectors,” sambit ng independent senator sa mga kapwa mambabatas na nagtulak sa nasabing resolusyon.
“We’re not powerless to address that. What interventions are they going to guarantee to the Senate today?” dagdag niya.
Ang RCEP agreement ay isang free-trade agreement ng 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) – Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand at Vietnam – at ang limang Free Trade Partners na Australia, China, Japan, New Zealand, at Republic of Korea.
Sa ilalim ng RCEP, bibigyan-daan ang mas maluwag na trade restriction at mas mababa – kung hindi man zero tariff sa mga kalakal, serbisyo, negosyo at maging sa e-commerce.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas at Myanmar na lamang ang hindi pa pumipirma sa RCEP.
Noong nakaraang linggo, nagpaalala na si Cayetano sa Executive Department na magdagdag ng safety nets at capacity-building measures bilang kanyang kondisyon upang suportahan ang partisipasyon ng bansa sa RCEP.
Hinimok din ni Cayetano ang mga sponsor ng panukala at ehekutibo na isama sa plano ang budget upang mapaigting ang mga kapasidad ng Pilipino para makakuha ng mas mataas na sahod at maging mas competitive sa ilalim ng RCEP deal.
“Ang sabi more jobs will come with RCEP… But it has been shown na kapag ang gobyerno ay hindi lang gumastos (kundi) tama ang gastos, mas magkakatrabaho,” aniya.
“For example, sa OFWs, kung hindi nakapag-aral ang ating mga kababayan, dadami ang OFWs, pero y’ung mababa na pay ang makukuha at y’ung delikado na position sa kanila tulad ng pagiging kasambahay. Pero yung mga kasambahay na iyan, kung mapapaaral natin, kaya nilang maging chef, barista, salesman, et cetera,” dagdag pa niya.