
SA halip na tulungan sa paraan ng pagpapautang ang mga magsasaka at mangingisda, mas pinapaboran ng Land Bank of the Philippines ang mga malalaking kapitalista, paratang ng isang kongresista sa Kamara.
Sa binigkas na privilege speech, partikular na pinuna ni Marikina City Rep. Stella Ruiz Quimbo ang aniya’y pagbabalewala ng LandBank sa mandato ng banko, kasabay ng pasaring sa di umano’y pagpapabaya sa sektor ng mga mangingisda, magsasaka, kooperatiba at mga maliliit na negosyante.
Sinita rin ng kongresista ang pagpabor ng Landbank sa malalaking korporasyon. Katunayan aniya, pumalo na sa P694.55 bilyon (katumbas ng 61.38 percent) ang pautang ng LandBank sa mga establisadong kumpanya, habang sa isang bilyon lang ang pautang sa mga maliliit na negosyante, mangingisda, magsasaka at kooperatiba.
“LandBank was created to serve the underserved — not to compete with private banks in funding large corporations. Yet today, it has become a profit-driven institution, focused on servicing big businesses while neglecting the sectors that need its support the most,” pasaring ng lady solon.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Quimbo sa kawalan umano ng transparency sa pautang ng LandBank sa mga lokal na pamahalaan katulad ng Marikina City na pinautang ng tumataginting na P3.6 bilyong hindi aniya mawari kung paano ginastos.
Nang hingin niya umano ang detalye ng utang ng Marikina City government, tumanggi aniya ang pamunuan ng LandBank na isapubliko ang nilalaman ng loan agreement na nilagdaan ni Marikina Mayor Marcy Teodoro.
“It is the right of the people to know how their money is being spent. The lack of transparency in LandBank’s dealings with LGUs is a violation of the people’s right to information,” giit ni Quimbo. “We need a full inquiry into how these loans are contracted and utilized.”
Hirit ni Quimbo sa mga kapwa kongresista, talupan ang polisiya ng LandBank. (Edwin Moreno)