SA gitna ng bantang pagpapatalsik sa pwesto, nagpahayag ng kahandaan si Vice President Sara Duterte na humarap sa impeachment trial kung saan niya di umano sasagutin ang mga pinupukol na alegasyon ng mga kongresista ng Kamara.
Ayon kay Duterte, mas mainam na may impeachment complaint na kanyang sasagutin punto-por-punto sa pagdinig na pangangasiwaan ng senado na tatayong impeachment court alinsunod sa umiiral na batas.
Para sa bise-presidente, hindi na kailangan pang idamay ang mga opisyales at kawani ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), lalo pa aniya’t malinaw na siya lang ang target ng administrasyong Marcos.
“Okay din yung impeachment case dahil ako lang ang tinitira doon, ako lang iniimbestigahan noon. Ako lang ang inaatake ng impeachment case. Hindi na kasali yung mga kasamahan ko sa Office of the Vice President and yung mga dati kong kasama sa Department of Education. Masagot na ng final kung ano yung mga inaakusa nila sa akin,” ani Duterte.
Dalawang impeachment complaint ang nakahain ngayon sa Kamara laban sa bise presidente.
Kasama sa grounds ng impeachment complaint ang di umano’y kwestyunableng paggamit ng confidential funds na inilaan ng Kongreso sa OVP at maging sa DepEd na dati niyang pinamunuan.
Pasok din sa reklamo ang di umano’y pagbabanta ni VP Sara kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez.
