TINIYAK ni Speaker Faustino “Dy III ang pagsusulong ng mga panukalang magpapalakas sa hanay ng local micro, small and medium enterprises (MSMEs) kabilang na ang pagtutok sa prinsipyo ng One Town, One Product (OTOP) na ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) at iba’t-ibang local government units (LGU).
Ginawa ng pinuno ng Kamara ang pahayag sa pagbubukas ng “OTOP is in the House 3.0 – B2B House Appliance Fair 2025” kung saan ibinida ang kakayahan ng Filipino entrepreneurs na gumawa ng mahusay, dekalidad at world-class products higit lalo kung bibigyan ng oportunidad.
Sa kanya aniyang apat na dekada sa serbisyo publiko ay natutunan niya ang mahalagang leksyon na pagbibigay ng sapat na suporta na kinakailangan ng Filipino enterprises.
Batay sa isang pag-aaral sa kanyang pinagmulang lalawigan, mahigit sa 85 percent ng OTOP entrepreneurs ay sole proprietors, na ang kapital o puhunan ay sa pagitan lamang ng P10,000 hanggang P50,000.
Para kay Dy, hindi naging hadlang sa mga maliliit na negosyante abutin ang pangarap sa kabila ng “limited resources.”
“Ano po ang kanilang ginagawa? Delicacies. Kakanin. Sauces. Inumin. Agricultural produce tulad ng kape. Mga produktong galing sa kanya-kanyang bayan, na pwedeng dalhin saan mang bahagi ng bansa—at maging sa buong mundo,” salaysay pa ng House Speaker.
“Sa madaling salita: One Town, One Product—na may kalidad, na siguradong tatangkilikin sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” dugtong niya.
Sinabi ni Speaker Dy na naniniwala siya sa katatagan ng local small domestic appliances industry, na pagpapakita ng mawalak na kakayanan ng mga Pilipino.
“Ang bawat appliance na ‘Made in the Philippines’ ay hindi lamang basta gamit sa bahay. These are symbols of innovation, engineering and Filipino craftsmanship,” aniya pa.
Dagdag ni Speaker Dy, ang local appliance fair ay pagpapakita na “kaya nating gumawa hindi lamang ng masarap kainin, kundi ng matibay gamitin; hindi lamang ng tradisyunal na bagay, kundi pati mga high-tech na device; hindi lamang ang mga pang-local, kundi pati rin ang mga pang-world class na produkto.”
“Kayang-kaya ng Pilipino. Kaya nating mag-design, lumikha, mag-innovate, at makipagsabayan sa iba sa pamamagitan ng mga produktong siguradong mataas ang kalidad. Dahil dito, hindi malayong lumago ang negosyo—at hindi imposibleng maabot ninyo ang inyong mga pangarap.”
“Sa Kamara, malinaw ang aming layunin: palakasin ang MSMEs. Gawing mas madali ang pagnenegosyo, mas accessible ang puhunan, at mas patas ang merkado. Dahil pag umangat ang maliliit na negosyo, aangat ang buong bansa,” pagtitiyak ni Dy.
Samantala, hinimok naman ni Speaker Dy ang hanay ng distributors, buyers at ibang nabibilang sa nasabing sektor na magkaroon din ng aktibong pakikipag-ugnayan sa isa’t-isa upang makalikha ng magandang benepisyo sa iba’t-ibang komunidad.
“Tandaan natin, ang mga partnership o kolaborasyon ay hindi lang transaksyon—ito ay nagbibigay-daan tungo sa oportunidad tulad ng trabaho, kabuhayan, at pag-asa para sa mga Pilipinong naghahangad ng mas magandang kinabukasan,” paalala ng Isabela province solon kung saan hinimok din niya ang mga Pilipino na magkaroon ng malaking kumpiyansa sa kanilang mga gawa o produkto.
Samantala, nagpasalamat si Speaker Dy sa DTI, sa pangunguna ni Secretary Ma. Cristina Roque; gayundin kina Deputy Speaker Ferjenel Biron; House Committee on Trade and Industry Chairman Maximo Dalog Jr.; at Association of Small Domestic Appliances of the Philippines Inc., na pinangungunahan ni Carlo Y. Yao, sa kanilang papel upang mapalakas ang local industries.
Giit ng lider-kongresista, ang appliance fair na ginaganap sa Batasan Complex ay hindi lamang isang exhibit o pagbebenta ng mga produkto, bagkus ito ay pagkilala na rin sa hanapbuhay, talento at pagiging malikhain ng Filipino entrepreneur. (ROMER R. BUTUYAN)
